Cris Adriel On Monday, September 28, 2015


Paano nga ba nagiging isa ang mga tao sa isang bansa? Paano nabubuo ang kanilang sariling identidad? Hindi ito dahil sa kanilang itsura o pananamit at mas lalong hindi ito dahil sa kanilang kilos o asal. Ang isang kultura ay hindi nabubuo dahil lang sa kanilang mga paniniwala. Kailangan ng isang bagay upang ito’y mabigyang linaw. Ito ay ang wika. Kung titingnan mong mabuti, ang isang bansa ay nagkakaroon ng pagbubuklod-buklod dahil sa kanilang wika. Ang bansang Pilipinas at ang kanilang wikang Filipino ay isang magandang halimbawa nito.
Maraming kabanata ang nahubog mula sa historya ng pambansang wika ng Pilipinas. Kung susuriin mo ang kanilang kasaysayan, matutuklasan mo na naging mahirap ang paglalakbay ng mga Pilipino upang makamit ang kanilang wika. Ang kanilang pagiging archipelago ay isang sanhi kung bakit nagkawatak-watak ang mga Pilipino. Sa bawat isla, rehiyon o tribo, may natatanging kultura na namuo na may sariling diyalekto. Dahil dito, nagkaroon ng kahirapan para sa mga Pilipino na magkaintindihan.
Hindi natapos ang kanilang paghihirap sa heograpiya o sa pagkakaroon ng sari-saring kultura. Naging mahirap para sa mga Pilipino na gumawa ng paraan upang makagawa ng sariling wika dahil sa mga Kastila. Sapagkat, hindi sila binigyan ng kalayaan. Isinantabi ang mga katutubong wika at kaunti lamang ang pinagkalooban ng pagkakataong makapag-aral. Ang mga taong nakapasok sa mga paaralan ay sapilitang pinagamit ang wikang Espanyol bilang pangunahing lengwahe. Dahan-dahang lumaban ang mga Pilipino, tulad ni Dr. Jose Rizal, na nagbigay diin sa kahalagahan ng wika. Isa ito sa mga batayan ng layunin ng mga Pilipino upang lumaban para sa kanilang karapatan.
Nang maipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa mga dayuhan sumakop sa kanila, hindi naging sapat ang pagkakaroon ng pamahalaan upang sila ay magkaisa. Kinailangan nila ng isang wika upang matapos na ang dibisyon na namumuo sa bawat rehiyon. Ang problemang ito ay sumibol noong panahon ng mga Amerikano at pamumuno ni Manuel L. Quezon. Ito ay naging mahabang proseso bago nabuo ang wikang Filipino. Dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang diyalekto tulad ng Tagalog, Cebuano, Ilonggo at marami pang iba, nabuhay ang samu’t-saring alitan.
Matapos ang mahabang panahon, ang wikang Filipino ang naging rason ng pagkakaroon ng sariling identidad ng mga Pilipino. Kung titignan natin, mapapansin natin na kahit anong bansa or kultura ay hindi makukumpleto nang wala ang kanilang sariling wika. Ito ay hindi lamang paraan ng pagkausap sa kapwa. Ito ay naging daan upang maipahiwatig ng mga Pilipino ang kanilang saloobin.
Salamat sa wikang Filipino, ang mga mahigit pitong libong kapuluan sa Pilipinas ay nagkakaisa. Kahit sila ba ay nagkakalayo, sila pa rin ay may isang pag-iisip ang damdamin dahil sa kanilang pambansang wika.

source: Article in Facebook

Leave a Reply

Subscribe to Posts | Subscribe to Comments